Monday, July 28, 2008

HIMIG (SONA 2008)

Pansumandali ay
Huminto sa paghakbang
Ang mga paang pagal na
Ang tanging sapin ay
Pagkahapo, at labis
Na kawalan.

At muling dumampi
Ang halik sa pisngi
Hudyat ng simula at
Muli’y iikot
Ang plakang sira-sira.

“Makinig,
aawit muli
ang Poon.”

Pumailanlang,
Ang hinabing titik;
Ang nilikhang himig
Hatid baga, ay
Musikang sapat;
Tugtuging di salat.

“Pakinggan mo,
ang inaawit
ng Poon.”

Bagamat nakikinig
Ng buong taimtim ang uhaw na diwa;
Ang kamalayang tigang
Sa himig-
Handog ng ponograpong paos.

Dadalhin nga kaya
Ng pangakong himig
Ang himalang nais-
Ang pag-asang hangad,
Pagkandiling wagas,
Adhikaing tapat…

Ang walang pasubaling
Kanlungan,
Tanggulan;
Ang kaligtasan ng
Buong bayan ni Juan.

Copyright by: Leofina Jane G.Galleta
All Rights Reserved.©2008leofinajanegalleta

Note: Poetry inspired by SONA of PGMA (July 2008)

Monday, June 16, 2008

Butil ng Buhay

Munti kang pangarap,
Hatid ng panahon
Sa bawat pagsikat at paglubog
Sa aking mga kamay,
Buhay ay mahubog
Nawa’y maibigay,
Pag-ibig na taos.

Pinapangarap ko
Ang unang pagdama
Aa pintig ng dibdib
Ang unang pagmasid,
Marahan mong ngiti
Ramdam ang paghugot
Ng hiningang munti.

Marahil himala;
Pagpapala kaya?
Ang ihahatid mo,
Aa buhay na aba
Dasal at dalangin
Ng puso sa tuwina
Biyaya ng langit,
Sa iyo’y ipadama.

Aking titiisin
Makita kang hirap
Sa bawat pagtuklas
Busilak na landas
Ako’y magsilbing ilaw
Sa’yong kapaguran,
Iyong sasandalan.

Hahayaan kita
Sa bawat paglipad
Hanapin ang langit
Iyong pinapangarap
Aking pagmamahal,
Sana’y maging sapat
Mahubog ang isip,
Puso mong busilak.

Aking hihintayin
Ang iyong pagdating
Habang nakatanaw sa mga bituin
Sa ngayon ang buhay
Akin munang alay
Sinag ng liwanag
Sa mumunting buhay.


[..i went to see an old friend who just gave birth; I was so touched with the scene that emotions welled up from my heart.. the lines were inspired by that encounter...]

Friday, June 6, 2008

HAPLOS NG GUNITA

Katulad ng hamog na hatid ay ngiti
Ang handog na patak sa lupa’y dumampi;
Kapalit ng sigla at ligayang dala
Aninag at ramdam, sa kislap ng mata.

Katulad ng bawat hibla ng liwanag
kahit pa kung saan ito’y mahahanap
Ng isipang pilit na nagpupumiglas
Sa handog na ngiti ng dumaang ulap.


Nababalot nga ng kabang may tuwa,
Ang bawat pag-imbay ng mga gunita
Sa gabing alipin, damdaming balisa,
Nang banyagang tibok ngayon lang nadam.

Ang damdaming taglay, hayun! naglalakbay
Kung saan malaya ang damdaming tunay
Kasabay ang kislap ng mga bituing nakikipagsaya
At sa kalawakan, samyo ng pagsuyo ang siyang nadarama.

Sa mga tinging wari’y sumusukat
Sa mabining galaw ng pang gabing ulap
Sa ngiting sisilay, at buntunghininga
Ay di mapalagay, banaag ang saya.

Pag-asa at kaba ang siyang tanikala
Bigkis na mahigpit nang bawat salita,
At ang mga haplos ng piping pangako
Dama sa pagtibok, ng gising nang puso.

Habang naglalakbay ang balisang diwa
Sa dakong malayo, di abot ng mata
Ngunit nahahaplos, mararating kaya
Ng bawat pagtipang alipin ng kaba.


©06october200leofinajanegalleta

Wednesday, June 4, 2008

PANAGHOY NA MUSMOS

[habang nakatigil ang sinasakyan ko sa gitna ng trapik, aking tinitingnan ang isang batang nanghihingi ng limos sa bangketa..muling pumatak ang mga luha ng aking panulat at ito ay ang mga salita at kaisipang nakahimlay sa bawat linya ng tulang ito...//ljgg]


Sa bawat paghugot
ng buntunghininga sa dibdib na uhaw
Sabay ng dalanging nawa ay maantig
Mga nagdaraang abala ang isip.

Sa bawat paghakbang,
Mga munting paang manhid na at pagal,
Habang nakalahad,
Mga munting palad pag-asa ang hangad.

Sa kanyang pandinig,
Ang bawat kalansing ay isang musika
Sisilay ang ngiti,
Inihagis man ay kaunting barya.

Katumbas ng tunog,
Ay dugtong ng buhay at munting pag-asa
Kasabay ng dasal,
Sana ngayong gabi ay hindi madinig kalam ng sikmura.

Akin ngang banaag
Buntunghininga’t sulyap na patago
Aninag ang pagal,
Sa pares ng matang wari’y nagtatanong...

Nais ay malaman,
dahilan at sagot sa tanong at bugtong
Dala ng panahon,
Sa bawat paglipas ng dapithapon.

Ang mga pasakit at hirap ba’y handog
Sa munting katawan at isipang musmos?
Sa hiram na buhay,
Ito ba’y pantubos?


©04october2007leofinajanegalleta

Sunday, September 30, 2007

Mga Bulong sa Hangin

Title: NGITI



Tamis ng damdamin,
sa bawat salitang pilit kinikimkim,
pilit mang itinago
sa kaibuturan ng talon sa dibdib.

Ngunit banaag,
sa buntunghiningang nadinig ng langit;
na siyang nakatunghay,
Panahon at hangin, ang siyang nagtanim.

Mga tagong ngiti
Na siyang nakahimlay, ngunit sumisilip
Sa pinto ng puso,
Pilit itatago, sa bawat pag-iling.

Busilak ang galak,
Pilit kinikitil mga panaginip,
Mga piping nais,
Sa kaibuturan, ng tulirong isip.

Sa bawat pagtipa,
Ng mga daliring alipin ng kwerdas,
Upang ipahatid,
Sa simoy ng hangin, mga katha’t dasal.
Ang muling pagsilang
At muling pag-usbong, mga piping awit,
Himig ng damdamin,
Sa muling pagsibol handog na damdamin.

Tulad ng bahaghari,
Na sa isang iglap, lilitaw na saglit.
At muling kukupas,
Muling ikukubli, mga ulap sa langit.

Sana ay ibulong,
Ng mga bituin ang tunay na himig,
Na umaalipin,
At siyang nilalaman ng puso at isip.


©29September2007leofinajanegalleta

Wednesday, September 26, 2007

Bukang-liwayway

Marahang pumikit,
Aking mga mata na siya’ng maghahatid;
Sa naghihingalo at pagal na isip,
Patungo isang payapang daigdig.

Nawa’y maramdaman,
Mayuming ihele haplos ng pangarap;
Kamalayang uhaw sa kalinga’t yapos,
Ng gabing payapa’t ang himbing ay lubos.

Habang makahimlay,
Katawan kong hapo’t iniwan ng lakas;
Aking inaawit,
Ang isang dalangin, panaghoy na tapat.

Dalangin ng puso,
Ang muling pagdating, mga bulalakaw;
Larawan ng ngiti,
Na handog ng langit, pag-asa ang hatid.

Aking hinihintay,
Ang muling pagsilay ng bukang liwayway;
Taos pusong dasal,
Sa isang umaga na hatid ay buhay.

Dalangin kong punan,
Diligan ng hamog na siyang dalang handog;
Ng bukang liwayway,
Sa damdaming pagal, tahanan ng lumbay.


©18September2007leofinajanegalleta